Itakwil ang mga Overseas na Operasyon ng Anti-Terrorism Council!

[Read in English]

Mariing kinokondena ng BAYAN USA ang planadong ₱3.7 Milyon Tour sa Kontra-Insurhensya ng Anti-Terrorism Council at ng National Security Council sa Estados Unidos

Mariing kinokondena ng BAYAN USA ang agresibong implementasyon ng estado ng Pilipinas sa Anti-Terrorism Act (ATA) sa iba’t ibang bansa sa ibayong dagat. Mula Disyembre 10 hanggang Disyembre 18, ang mga pangunahing opisyal galing sa National Security Council (NSC), Anti-Terrorism Council (ATC), at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay nagplanong mag-ikot sa Estados Unidos  para makipag-ugnayan sa mga Fil-Ams sa ilalim ng panawagan ng gobyernong “unity and reconciliation,” o pagkakaisa at pagkakasundo. Ang nasabing tour ay hihinto sa Phoenix, Seattle, Chicago, at San Francisco, at wala itong kaduda-dudang bahagi ng nais ng rehimeng Marcos Jr. na ipagpatuloy na yurakan ang mga aktibista at ilayo ang mga progresibo mula sa mas malawak na hanay ng masang Pilipino. Ito din ay isang oportunidad ng ATA upang ipatupad ang mga probisyong “extraterritorial” o sa ibayong-dagat na umaabot hanggang sa mga OFW at mga taga-suporta nito. Habang kinansela ang mga bahagi ng nasabing tour, ang BAYAN USA ay nananatiling mapagmatyag at handang kontrahin ang mga pagkilos ng estado upang hatiin ang masa. Ang binalak na NSC at ATC tour ay idinaraos kamakailan matapos ang   “Special Mission Project,” na pinangunahan  naman ng mga ahenteng NTF-ELCAC at sinuportahan ni Apollo Quiboloy, isang kilalang sex-trafficker na kasalukuyang pinaghahanap ng FBI

Kabilang sana sa lilibot ay sina Clarita Carlos (National Security Adviser at Vice Chair ng Anti-Terrorism Council), Nestor Herico (NSC Deputy Director General at former Marine Commandant), Michael Castillo (NSC Deputy Director General), at Eugene Rodriguez (Undersecretary for the Office of Press Secretary). 

Ang planong ito ng mga opisyales ng gobyerno ay nagpapatunay lamang sa mismong kinatatakutan ng maraming Pilipino sa ibang bansa noong ipinasa ni Former President Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Act (ATA) noong 2020: na ang mahabang galamay ng estado ng Pilipinas ay aabutin at hihigpitan ang kanilang panunupil laban sa mga aktibista at progresibo sa ibang bansa. Ang ATA ang gumawa ng Anti-Terrorism Council (ATC) - na kinakatawan ni Carlos - na naatasan ng arbitraryong pagturing sa mga indibidwal at mga organisasyon bilang mga terrorista. Binibigyang-kapangyarihan ng ATC ang mga awtoridad na arrestuhin ang mga itinuring na “terrorists” nang walang judicial warrant at maikulong sila kahit walang kaso na maaaring umabot sa 24 na araw bago maiharap sa hukom. Ang NSC naman, sa kabilang banda, ang may pakana ng arbitraryong pagpapasara  sa 27 na independent media outlets nitong nakalipas na buwan, kabilang na ang Bulatlat at Pinoy Weekly. 

Pahayag ni Rhonda Ramiro, tagapangulo ng BAYAN USA [salin], “Kahit kinondena ni Carlos ang red-tagging noon, kinakatawan pa rin niya ang isang ahensyang ang pangunahing layunin ay 'magtukoy' ng terorista, na kung tutuusin ay isa sa pinaka-mapaminsala na anyo ng red-tagging”. Ang ATC ang nagturing din sa mga Peace Consultant o punong taga-payo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bilang mga di umano’y “terorista,” kabilang ang dating chairperson ng negotiating panel, na si Luis Jalandoni. Dagdag ni Ramiro, “Kung si Carlos at kanyang mga kasapakat ay tunay na seryoso sa pagpapatupad ng 'reconciliation and unity,' dapat agad na binawi nito ang mga nasabing pagtukoy at isinulong ang pagbubukas-muli ng mga usaping pangkapayapaan sa pamamagitan ng gobyerno at ng NDFP." Sa halip, iginigiit ni Carlos ang “localized” na usapin, na sa kasaysayan ay ginamit bilang pang-tabing sa ‘psywar’ at panunupil ng militar.

Mariing pinpuna rin ang direktang ambag ng mga konsulado ng Pilipinas sa pagdaraos ng nasabing tour. “Ang aming mga miyembro sa Northern California ay nakipag-dayalogo kay Consul-General Neil Ferrer noong 2021 para komprontahin siya tungkol sa pag-eendorso niya sa red-tagging dahil sa pagbibigay ng talumpati sa isang online forum na nag-red-tag sa aming mga organisasyon,” giit ni Ramiro. “Sa nasabing pulong, tumanggi si Ferrer na kondenahin ang red-tagging, ngunit inilayo niya rin ang sarili niya sa operasyon ng ibang ahensya na aktibong umatake sa ating mga progresibong organisasyon at insitusyon na tila hindi siya suportado sa mga panunupil ng mga ito. Ngayon, malinaw na ang antas ng kanyang pakikipagtulungan sa NSC, ATC at NTF-ELCAC para supilin ang mga aktibista sa labas ng Pilipinas, bilang isa sa pangunahing naghanda para sa tour na ito.”

Ang tour na nagkakahalagang ₱3.7 milyon ay ginaganap ngayong panahon ng krisis pang-ekonomya at kung kailan ang inflation ay nasa 8% - pinakamataas na inabot nito sa loob ng 14 na taon. Dagdag ni Ramiro, “Ang lantaran na pagwaldas sa kaban ng bayan kagaya ng nakaambang korapsyon sa Maharlika Wealth Fund ay hindi tumutugon sa mga basic needs o pangunahing kailangan ng masa. Ito at ang patuloy na panunupil ng estado ay mga tunay na sanhi ng kawalan ng kapayapaan at pagkakaisa sa bansa. Pinapatunayan ng kasaysayan na ang pagtugis sa mga progresibo sa halip na tugunan ang mga batayang-problema ay walang naiaambag sa pagkamit sa tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas. Mula pa lang Hulyo hanggang Nobyembre ng taong ito, ang Rehimeng Marcos Jr ang nasa likod ng 9,000 na sapilitang pagbakwit (forced evacuations), 15 pulitikal na pamamaslang, 301 na pagpatay sa nagpapatuloy sa Giyera Kontra Droga (Drug War), higit sa 180 ilegal na pag-aresto at lampas sa 357,000 na mga kaso ng pagbabanta, pangha-harass at intimidasyon. 

Nananawagan ang BAYAN USA sa komunidad ng mga Pilipino at mga alyado na ituloy ang pamamatyag at pagiging kritikal sa mga banta ng Estado ng Pilipinas na baluktutin ang mga konsepto ng pagkakaisa at kapayapaan habang nagtatanim naman sa binhi ng pagkakawatak-watak. Libo-libo tayong nagprotesta noong unang ipinasa ang ATA noong 2020. Maging handa tayo muli na magmartsa sa kalsada kapag tumapak na rito ang mga ahente ng ATA at nagtangkang patahimikin ang ating kilusang naghahangad ng tunay na pagbabago sa ating Inang Bayan.

Buwagin ang NTF-ELCAC!
Ibasura ang Anti-Terror Act!
Buwagin ang ATC!
Ang Aktibismo Ay Hindi Terorismo!

Previous
Previous

Call to Action: Commemorate EDSA 37! Fight the US-Marcos II Regime!

Next
Next

Reject the Anti-Terrorism Council’s Overseas Operations!